(A poem by Benito Quilloy, ASCENT’s Senior Consultant, on the cross-stitch done by Rita Espinoza, ASCENT’s Project Staff. They are currently detained in Camp Crame, Quezon City on trumped-up charges.)
Libu-libong maliliit na parisukat
Sa telang parang banig
Na may takdang sukat
Isang tusok ng karayom
Bawat parisukat
Taglay ang tatlong suson
Ng sinulid na makulay
Pinuputol ng panggupit ng kuko
Kapalit ng bawal na gunting
Sa liwanag ng ilaw
Maghapo’t magdamag na may silaw
Sa loob ng maliit na kuwarto
Yari sa kableng bakal
Ito ay cross-stitch sa loob ng piitan
Sa una’y dekorasyon
At pampalipas-oras ang layon
Pampawi ng pangungulila’t depresyon
Sa saliw ng tawanan at kwentuhan
Umaasam ng kalayaan.
Isang tusok, isang hila
Patak ng pawis ang katumbas
Bumubuhay sa makabayang damdamin
Bawat hakbang sa bukid at parang
Sa hampas ng maso sa pandayan
Paggapas ng kawit sa palayan
Paghagis ng lambat sa laot
Maghapong nakatayo sa pagtuturo
Sa mga batang sabik matuto
At sa lahat ng karaniwang taong
Nakikibaka para mabuhay
Sila’y inspirasyon sa paglikha ng sining
Naglalarawan ng katotohanan
Ng ating panahon
At gisingin ang konsensya ng mundo: paghihirap at sakripisyo
Tagumpay at kasawian
Ligaya’t lungkot
Ng pagmamahal sa bayan, anak at kasama
Sa piitan, mabilis ang daloy ng panahon
Paglipas nito, sining biswal na obra ang nalilikha
Daluyan ng mapanlikha’t
Makapangyarihang mensahe ng pag-asa.
Ito ang cross-stitch, isang sining ng pakikibaka.
(This poem also appears in Bulatlat.com http://bulatlat.com/main/2018/05/07/cross-stitch/)
Published by